FIRST-EVER HEMODIALYSIS CENTER SA BACOLOR MAGBUBUKAS NA!
Mas mapapalapit na sa mga residente ng Bacolor at karatig-bayan ang serbisyong dialysis matapos pormal na buksan nitong Biyernes, Mayo 8, 2026, ang San Guillermo Hemodialysis Center sa Brgy. Cabambangan, Bacolor, sa likod ng Ricardo P. Rodriguez Memorial Hospital.
Ang bagong pasilidad ang kauna-unahang hemodialysis center sa bayan ng Bacolor na naglalayong magbigay ng mas accessible, maginhawa, at dekalidad na gamutan para sa mga pasyenteng may sakit sa bato na nangangailangan ng regular na dialysis treatment.
Nakiisa sa blessing at inauguration sina Bacolor Mayor Eduardo “Diman” Datu, Vice Mayor Ron Dungca, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Bacolor na sina Councilor Jude Edward Datu, Angie Angeles, Steekie Blanco, Aiza Mae Cunanan, Carlax Laxa at Emily Valerio bilang suporta sa patuloy na pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan sa bayan.
Ayon kay Mayor Datu, malaking tulong ang bagong center upang hindi na kailangang bumiyahe nang malayo ang mga pasyente para lamang makapagpa-dialysis, habang masisiguro rin ang maayos at kalidad na pangangalaga para sa mga residente ng Bacolor at mga kalapit na munisipalidad.
Inaasahang magsisimula ang operasyon ng San Guillermo Hemodialysis Center at pagtanggap ng mga pasyente ngayong Hunyo 2026.