Skip to main content
(www.bacolorpampanga.gov.ph)
Official Website of Municipality of Bacolor – Province of Pampanga

Sama sama tayong manalangin nang buong puso at taimtim.

Bago tayo matulog ngayong gabi, sama sama tayong manalangin nang buong puso at taimtim.
Aming mapagmahal at makapangyarihang Panginoon,

Ngayong gabi, buong puso kaming lumalapit sa Inyo upang humingi ng Inyong awa, gabay, at proteksyon. Sa gitna ng malakas na ulan at patuloy na banta ng pagbaha, buong kababaang loob naming ipinagkakatiwala sa Inyo ang aming mga sarili, aming mga pamilya, at lahat ng aming mga kababayan.

Panginoon, hinihiling namin na sana ay tumigil na ang malakas na ulan at huwag nang lumala ang pagbaha. Ilayo Ninyo po kami sa anumang kapahamakan at panganib. Nawa ay maging maayos na ang panahon upang wala nang buhay na malagay sa peligro.

Lalo po naming ipinagdarasal ang mga may karamdaman, ang mga may cancer, sakit sa puso, sakit sa thyroid, mga sumasailalim sa dialysis, at lahat ng may malubha o matinding karamdaman.
Bigyan Ninyo sila ng lakas, kaginhawaan, paggaling, at patuloy na pag asa. Huwag Ninyo po silang pabayaan, lalo na ang mga nangangailangan ng regular na gamutan at pangangalaga.

Ipinagdarasal din namin ang mga buntis na nasa evacuation centers, ang mga sanggol at bata, mga Senior Citizens, PWDs, at lahat ng mahihina at higit na nangangailangan ng Inyong proteksyon. Ilayo Ninyo po sila sa sakit, impeksyon, gutom, lamig, at anumang panganib na maaaring dulot ng baha.

Panginoon, ingatan Ninyo rin ang aming mga estudyante at lahat ng kababayan naming naapektuhan ng pagbaha. Protektahan Ninyo ang kanilang kalusugan at kaligtasan.

Gabayan Ninyo po ang aming mga frontliners, rescuers, health workers, volunteers, at lahat ng patuloy na naglilingkod at tumutulong. Bigyan Ninyo sila ng lakas, karunungan, at kaligtasan habang sila ay naglilingkod sa kapwa.

Panginoon, hinihiling namin na humupa na ang ulan, bumaba na ang baha, at tuluyan nang maging maayos ang sitwasyon. Nawa ay makauwi na ang bawat pamilya sa kanilang tahanan nang ligtas, maayos, at matiwasay.

Sa gitna ng aming pangamba, palakasin Ninyo ang aming pananampalataya. Bigyan Ninyo kami ng pag asa at pananalig na malalampasan din namin ang pagsubok na ito.

Panginoon, iligtas Ninyo po ang aming mga kababayan. Ingatan Ninyo ang bawat buhay. Pagalingin Ninyo ang mga may karamdaman, protektahan ang mga mahihina, at yakapin Ninyo ang bawat pamilyang nangangailangan ng Inyong tulong.

Amen. 🙏

Click Here: https://www.facebook.com/share/p/1C5SMatHFq/ 

Official Website of Municipality of Bacolor